Add parallel Print Page Options

Parurusahan ng Dios ang Mundo

24 Makinig kayo! Wawasakin ng Panginoon ang mundo[a] hanggang sa hindi na ito mapakinabangan at pangangalatin niya ang mga mamamayan nito. Iisa ang sasapitin ng lahat: pari man o mamamayan, amo man o alipin, nagtitinda man o bumibili, nagpapautang man o umuutang. Lubusang mawawasak ang mundo at walang matitira rito. Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon. Matutuyo at titigas ang lupa. Manlulumo ang buong mundo pati na ang mga kilala at makapangyarihang tao. Ang mundo ay dinungisan ng mga mamamayan nito, dahil hindi nila sinunod ang Kautusan ng Dios at ang kanyang mga tuntunin. Nilabag nila ang walang hanggang kasunduan ng Dios sa kanila. Kaya isusumpa ng Dios ang mundo, at mananagot ang mga mamamayan nito dahil sa kanilang mga kasalanan. Susunugin sila at iilan lang ang matitira. Malalanta ang mga ubas, at mauubos ang katas nito. Ang mga nagsasaya ay malulungkot, at hindi na maririnig ang magagandang tugtugan ng mga tamburin at alpa, at ang hiyawan ng mga taong nagdiriwang. Mawawala ang awitan sa kanilang pag-iinuman, at ang inumin ay magiging mapait. 10 Mawawasak ang lungsod at hindi na mapapakinabangan. Sasarhan ang mga pintuan ng bawat bahay para walang makapasok. 11 Sisigaw ang mga tao sa lansangan, na naghahanap ng alak. Ang kanilang kaligayahan ay papalitan ng kalungkutan. Wala nang kasayahan sa mundo. 12 Ang lungsod ay mananatiling wasak, pati ang mga pintuan nito. 13 Iilan na lamang ang matitirang tao sa lahat ng bansa sa mundo, tulad ng olibo o ubas pagkatapos ng pitasan. 14 Ang mga matitirang tao ay sisigaw sa kaligayahan. Ang mga nasa kanluran ay magpapahayag tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon. 15 Kaya nararapat ding purihin ng mga tao sa silangan at ng mga lugar na malapit sa dagat[b] ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 16 Maririnig ang awitan kahit saang dako ng mundo, “Purihin ang matuwid na Dios.”

Pero nakakaawa ako. Akoʼy nanghihina! Sapagkat patuloy ang pagtataksil ng mga taong taksil. 17 Kayong mga mamamayan ng mga bansa sa buong mundo, naghihintay sa inyo ang takot, hukay, at bitag. 18 Ang tumatakas dahil sa takot ay mahuhulog sa hukay at mabibitag ang mga lumalabas dito.

Uulan nang malakas at mayayanig ang pundasyon ng lupa. 19 Bibitak ang lupa at mabibiyak. 20 At magpapasuray-suray ito na parang lasing at parang kubong gumagalaw-galaw sa ihip ng hangin. Ang lupa ay mabibigatan dahil sa kasalanan, at mawawasak ito at hindi na muling makakabangon.

21 Sa araw na iyon, parurusahan ng Panginoon ang mga makapangyarihang nilalang sa langit,[c] pati ang mga hari rito sa mundo. 22 Sama-sama silang ihuhulog sa hukay na katulad ng mga bilanggo. Ikukulong sila at saka parurusahan. 23 Magdidilim ang araw at ang buwan dahil maghahari ang Panginoong Makapangyarihan sa Bundok ng Zion, sa Jerusalem. At doon mahahayag ang kanyang kapangyarihan sa harap ng mga tagapamahala ng kanyang mga mamamayan.

Purihin ang Dios

25 Panginoon, kayo ang aking Dios! Pupurihin kita at pararangalan dahil kahanga-hanga ang iyong mga gawa. Tinupad mo ang iyong mga plano noong unang panahon. Winasak mo ang mga lungsod ng taga-ibang bansa pati ang may mga pader. Winasak mo rin ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod, at hindi na nila ito maitatayong muli. Kaya pararangalan ka ng mga taong makapangyarihan at igagalang ka ng mga malulupit na mga bansa. Ikaw ang takbuhan ng mga dukha at ng mga nangangailangan sa panahon ng kahirapan. Ikaw ang kanlungan sa panahon ng bagyo at tag-init. Sapagkat ang paglusob ng mga malulupit na taoʼy parang bagyo na humahampas sa pader, at parang init sa disyerto. Pero pinatahimik mo ang sigawan ng mga dayuhan. Pinatigil mo ang awitan ng malulupit na mga tao, na parang init na nawala dahil natakpan ng ulap.

Dito sa Bundok ng Zion, ang Panginoong Makapangyarihan ay maghahanda ng isang piging para sa lahat. Masasarap na pagkain at inumin ang kanyang inihanda. At sa bundok ding ito, papawiin niya ang kalungkutan[d] ng mga tao sa lahat ng bansa. Aalisin din ng Panginoong Dios ang kamatayan at papahirin niya ang mga luha ng lahat ng tao. Aalisin niya ang kahihiyan ng kanyang mga mamamayan sa buong mundo. Mangyayari nga ito dahil sinabi mismo ng Panginoon.

Kapag itoʼy nangyari na, sasabihin ng mga tao, “Siya ang ating Dios! Nagtiwala tayo sa kanya, at iniligtas niya tayo. Siya ang Panginoon na ating inaasahan. Magalak tayoʼt magdiwang dahil iniligtas niya tayo.”

10 Talagang tutulungan ng Panginoon ang Bundok ng Zion, pero parurusahan niya ang Moab. Tatapakan niya ito na parang dayami sa tapunan ng dumi. 11 Pagsisikapan nilang makaligtas sa kalagayang iyon na parang taong kakampay-kampay sa tubig. Pero kahit na magaling silang lumangoy, ilulubog pa rin sila ng Panginoon. Ibabagsak sila dahil sa kanilang pagmamataas. 12 Wawasakin niya ang kanilang mataas at matibay na pader hanggang sa madurog at kumalat ito sa lupa.

Awit ng Papuri sa Dios

26 Sa mga araw na iyon ang awit na itoʼy aawitin sa Juda:

    Matatag na ang ating lungsod!
    Ang Pagliligtas ng Dios ay parang pader na nakapalibot sa atin.
Buksan ang mga pintuan ng lungsod para makapasok ang bansang matuwid at tapat sa Panginoon.

Panginoon, bigyan nʼyo nang lubos na kapayapaan ang taong kayo lagi ang iniisip dahil nagtitiwala siya sa inyo.
Magtiwala kayong lagi sa Panginoon,
    dahil siya ang ating Bato na kanlungan magpakailanman.
Ang totoo, ibinabagsak niya ang mga mapagmataas.
    Winawasak niya ang kanilang lungsod hanggang sa madurog sa lupa.
At itoʼy tinatapak-tapakan ng mga dukha na kanilang inapi.

Patag ang daan ng taong matuwid, at kayo, Panginoong matuwid, ang nagpatag nito.
Panginoon, sinunod namin ang inyong mga utos,
    at nagtiwala kami sa inyo.
    Hangad namin na kayo ay aming maparangalan.
Buong puso kitang hinahanap-hanap kapag gabi.
    Kung hahatulan nʼyo ang mga tao sa mundo,
    matututo silang mamuhay nang matuwid.
10 Kahit kinaaawaan nʼyo ang masasama,
    hindi pa rin sila natututong mamuhay nang matuwid.
    Kahit na naninirahan silang kasama ng mga matuwid,
    patuloy pa rin sila sa kanilang gawaing masama,
    at hindi nila kinikilala ang inyong kapangyarihan.
11 Panginoon, nakahanda na po kayong magparusa sa kanila,
    pero hindi nila alam.
    Ipaalam nʼyo sa kanila, Panginoon.
    Ilagay nʼyo po sila sa kahihiyan. Ipakita nʼyo sa kanila kung gaano nʼyo kamahal ang iyong mga mamamayan.
    Lipulin nʼyo po sa pamamagitan ng inyong apoy ang inyong mga kaaway.

12 Panginoon, ilagay nʼyo po kami sa mabuting kalagayan,
    sapagkat ang lahat ng aming nagagawa ay nagagawa namin sa tulong ninyo.
13 Panginoon na aming Dios,
    pinamahalaan kami ng ibang panginoon,
    pero kayo lang ang aming sinasamba.
14 Patay na sila ngayon at hindi na mabubuhay pa.
    Pinarusahan nʼyo sila at pinatay para malimutan at hindi na maaalala pa.
15 Panginoon, pinalawak nʼyo ang aming bansa.
    Pinalapad nʼyo ang aming mga hangganan,
    at itoʼy nagbigay ng karangalan sa inyo.
16 Panginoon, pinarusahan nʼyo ang iyong mga mamamayan,
    at sa kanilang mga paghihirap ay dumulog at tumawag sila sa inyo.
17 Panginoon, kitang-kita nʼyo ang aming paghihirap.
    Tulad kami ng isang babaeng nanganganak, na napapasigaw dahil sa tindi ng sakit.
18 Dumaing kami dahil sa hirap, pero wala rin kaming iniluwal.
    Wala kaming nagawa para iligtas ang lupain namin,
    at hindi rin namin nalipol ang mga taong kaaway namin dito sa mundo.
19 Pero muling mabubuhay ang inyong mga mamamayang namatay.
    Babangon ang kanilang mga bangkay at aawit sa galak.
    Kung papaanong ang hamog ay nagpapalamig ng lupa,
    kayo rin Panginoon ang muling bubuhay sa mga patay.

20 Mga kababayan, pumasok kayo sa inyong mga bahay at isara ninyo ang inyong mga pintuan.
    Magtago muna kayo hanggang sa mawala ang galit ng Panginoon.
21 Sapagkat darating na siya mula sa kanyang tirahan para parusahan ang mga tao sa mundo dahil sa kanilang mga kasalanan.
    Ilalabas ng lupa ang mga taong pinatay, at hindi na niya itatago pa.

Footnotes

  1. 24:1 ang mundo: o, ang lugar ng Canaan at ang mga lugar sa paligid nito.
  2. 24:15 mga lugar na malapit sa dagat o, mga isla; o, malalayong lugar.
  3. 24:21 makapangyarihang nilalang sa langit: o, mga sundalo sa matataas na lugar.
  4. 25:7 kalungkutan: sa literal, belo, na isinusuot ng tao noong unang panahon sa kanilang pagluluksa.