Add parallel Print Page Options

Nagalit si Jonas Dahil sa Pagkahabag ng Panginoon

Sumama ang loob ni Jonas dahil sa pagpapatawad ng Panginoon sa Nineve, at galit na galit siya. Sinabi niya sa Panginoon nang siya ay manalangin, “O Panginoon, talagang hindi ako nagkamali nang sabihin ko noong naroon pa ako sa aming lugar na kaaawaan mo ang mga taga-Nineve kung magsisisi sila, dahil alam ko na mahabagin kang Dios at mapagmalasakit. Mapagmahal ka at hindi madaling magalit. At handa kang magbago ng isip na hindi na magpadala ng parusa. Iyan ang dahilan kung bakit tumakas ako papuntang Tarshish. Kaya Panginoon, kunin mo na lang ako, dahil mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” Sumagot ang Panginoon, “May karapatan ka bang magalit sa ginawa ko sa Nineve?”

Lumabas si Jonas sa lungsod at umupo sa gawing silangan nito. Gumawa siya ng masisilungan at sumilong doon habang hinihintay kung ano ang mangyayari sa lungsod. Pero naiinitan pa rin si Jonas, kaya pinatubo ng Panginoong Dios ang isang malagong halaman na lampas tao upang maliliman siya. At labis namang ikinagalak iyon ni Jonas. Pero kinabukasan nang maaga pa, ipinakain ng Dios sa uod ang halamang iyon at nalanta ito.

Pagsikat ng araw, pinaihip ng Dios ang mainit na hangin mula sa silangan. Halos mahimatay si Jonas nang masikatan ng araw ang ulo niya. Nais niyang mamatay na lang, kaya sinabi niya, “Mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” Sinabi ng Dios sa kanya, “May karapatan ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?” Sumagot siya, “Oo, mayroon akong karapatang magalit, kaya mas mabuti pang mamatay na lang ako.” 10 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Nanghinayang ka nga sa halamang iyon na tumubo sa loob lamang ng isang gabi at nalanta rin agad sa loob din ng isang gabi, kahit na hindi ikaw ang nagtanim o nagpatubo. 11 Ako pa kaya ang hindi manghinayang sa malaking lungsod ng Nineve na may mahigit 120,000 tao na walang alam tungkol sa aking mga kautusan[a] at marami ring mga hayop?”

Ito ang mensahe ng Panginoon tungkol sa Samaria at Jerusalem.[b] Ipinahayag niya ito kay Micas na taga-Moreshet noong magkakasunod na naghari sa Juda sina Jotam, Ahaz at Hezekia.

Sinabi ni Micas: Makinig kayong mabuti, lahat kayong mga mamamayan sa buong mundo.[c] Sapagkat sasaksi ang Panginoong Dios laban sa inyo mula sa kanyang banal na templo.[d]

Parurusahan ang Israel at Juda

Makinig kayo! Lalabas ang Panginoon mula sa kanyang tahanan. Bababa siya at lalakad sa matataas na bahagi ng mundo. Ang mga bundok na kanyang malalakaran ay matutunaw na parang mga kandila na nadikit sa apoy, at magiging lubak-lubak ang mga patag na kanyang malalakaran na parang dinaanan ng tubig na umagos mula sa matarik na lugar. Mangyayari ang lahat ng ito dahil sa mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel at Juda.[e] Ang mga taga-Samaria ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Israel para magkasala. At ang mga taga-Jerusalem naman ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Juda para sumamba sa mga dios-diosan. Kaya sinabi ng Panginoon, “Gigibain ko ang Samaria at tataniman na lang ito ng mga ubas. Pagugulungin ko ang mga bato nito papunta sa kapatagan hanggang sa makita ang mga pundasyon nito. Madudurog ang lahat ng imahen ng dios-diosan ng Samaria, at masusunog ang lahat ng ibinayad ng mga lalaki sa kanilang pakikipagtalik sa mga babaeng bayaran sa templo.[f] Nakapagtipon ng mga imahen ang Samaria sa pamamagitan ng mga ibinayad sa mga babaeng bayaran sa templo, kaya kukunin ng kanyang mga kalaban ang mga pilak at ginto na binalot sa mga imahen para gamitin din ng kanyang mga kalaban na pambayad sa mga babaeng bayaran sa kanilang templo.”

Sinabi pa ni Micas: Dahil sa pagkawasak ng Samaria, iiyak ako at magdadalamhati. Maglalakad ako nang nakapaa at nakahubad para ipakita ang aking kalungkutan. Iiyak ako nang malakas na parang asong-gubat[g] at tulad ng paghuni ng kuwago. Sapagkat ang pagkagiba ng Samaria ay parang sugat na hindi na gagaling, at mangyayari rin ito sa Juda hanggang sa Jerusalem na siyang kabisera na lungsod[h] ng aking mga kababayan.

10 Mga taga-Juda, huwag ninyong ibalita sa ating mga kalaban na mga taga-Gat ang tungkol sa darating na kapahamakan sa atin. Huwag ninyong ipapakita na umiiyak kayo. Doon ninyo ipakita sa bayan ng Bet Leafra[i] ang inyong kalungkutan sa pamamagitan ng paggulong sa lupa.

11 Mga mamamayan ng Shafir, bibihagin kayo at dadalhing nakahubad, kaya mapapahiya kayo. Ang mga mamamayan ng Zaanan ay matatakot lumabas sa kanilang bayan para tulungan kayo. Ang mga taga-Bet Ezel ay hindi rin makakatulong sa inyo dahil sila rin ay umiiyak sa kapahamakang dumating sa kanila. 12 Ang totoo, ang mga taga-Marot ay matiyagang naghihintay sa pagtigil ng digmaan. Pero mabibigo sila dahil niloob ng Panginoon na makarating ang mga kalaban sa pintuan ng Jerusalem.

13 Mga mamamayan ng Lakish, isingkaw ninyo ang mga kabayo sa karwahe at tumakas kayo. Ginaya ninyo ang kasalanang ginawa ng mga taga-Israel, at dahil sa inyoʼy nagkasala rin ang mga taga-Zion.

14 Kayong mga taga-Juda, magpaalam na kayo[j] sa bayan ng Moreshet Gat dahil sasakupin na rin iyan ng mga kalaban. Sasakupin din ang bayan[k] ng Aczib, kaya wala nang maaasahang tulong ang inyong mga hari mula sa bayang iyon.

15 Kayong mga mamamayan ng Maresha, padadalhan kayo ng Panginoon[l] ng kalaban na sasakop sa inyo.

Mga taga-Juda,[m] ang inyong mga pinuno ay magtatago sa kweba ng Adulam. 16 Kukunin sa inyo ang pinakamamahal ninyong mga anak[n] at dadalhin sa ibang bayan, kaya magluluksa kayo para sa kanila at ipapakita ninyo ang inyong kalungkutan sa pamamagitan ng pagpapakalbo na parang ulo ng agila.[o]

Parurusahan ng Panginoon ang Gumigipit sa mga Dukha

Nakakaawa kayong nagpupuyat sa pagpaplano ng masama. Kinaumagahan ay isinasagawa ninyo ang inyong planong masama dahil may kakayahan kayong gawin iyon. Inaagaw ninyo ang mga bukid at mga bahay na inyong nagugustuhan. Dinadaya ninyo ang mga tao para makuha ninyo ang kanilang bahay o lupaing minana. Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo, “Makinig kayo! Pinaplano kong parusahan kayo at hindi kayo makakaligtas. Hindi na kayo makapagmamalaki dahil sa panahong iyon ay lilipulin kayo. Sa araw na iyon, kukutyain kayo ng mga tao sa pamamagitan ng malungkot na kasabihan: ‘Lubusan na kaming nalipol! Kinuha ng Panginoon ang aming mga lupain at ibinigay sa mga traydor.’ ”

Kaya wala na kayong angkan na magmamana ng inyong bahagi sa oras na hatiin ng sambayanan ng Panginoon ang lupain na ibabalik sa kanila. Ngayon, pinapangaralan pa ninyo kami. Sinasabi ninyo, “Huwag na ninyo kaming pangaralan tungkol sa kapahamakang iyon, dahil hinding-hindi kami mapapahiya. Bakit, isinusumpa na ba ng Panginoon ang lahi ni Jacob? Ubos na ba ang kanyang pasensya? Gawain ba niya ang pumuksa?”

Ito ang sagot ng Panginoon, “Kung ginagawa lang sana ninyo ang mabuti, matatanggap ninyo ang aking mga pangako. Pero nilulusob ninyo ang aking mahihirap na mamamayan na para bang mga kaaway. Akala nila, pag-uwi nila sa kanilang bayan mula sa digmaan ay ligtas na sila, pero iyon palaʼy aagawan ninyo sila ng kanilang balabal. Pinapalayas ninyo ang kanilang mga kababaihan sa mga tahanang minamahal nila. At inaagaw ninyo ang mga pagpapala na ibinigay ko sa kanilang mga anak, kaya mawawala na ito sa kanila magpakailanman. 10 Kaya ngayon, umalis na kayo rito sa Israel dahil ang lugar na ito ay hindi na makapagbibigay sa inyo ng kapahingahan, sapagkat dinungisan ninyo ito ng inyong mga kasalanan. Masisira ang lugar na ito at hindi na mapapakinabangan.[p] 11 Ang gusto ninyong mangangaral ay iyong nangangaral nang walang kabuluhan, manlilinlang at sinungaling, at ganito ang sinasabi: ‘Sasagana kayo sa alak at iba pang mga inumin.’ ”

Ang Ipinangakong Kalayaan sa mga Taga-Israel at Taga-Juda

12 Sinabi ng Panginoon, “Kayong natitirang mga mamamayan ng Israel at Juda,[q] titipunin ko kayo gaya ng mga tupa sa kulungan o kawan ng mga hayop sa pastulan. Mapupuno ng mga tao ang inyong lupain. 13 Bubuksan ko ang pinto ng lungsod na bumihag sa inyo, at pangungunahan ko kayo sa inyong paglabas. Ako, ang Panginoon na inyong hari, ang mangunguna sa inyo.”

Footnotes

  1. 4:11 na walang alam … mga kautusan: sa literal, na hindi alam kung alin ang kanilang kanan o kaliwang kamay.
  2. 1:1 sa Samaria at Jerusalem: Ang Samaria ay kabisera ng Israel at kumakatawan sa buong kaharian ng Israel. Ang Jerusalem ay kabisera ng Juda at kumakatawan sa buong kaharian ng Juda.
  3. 1:2 mga mamamayan sa buong mundo: o, mga Israelita na nasa Israel.
  4. 1:2 banal na templo: Maaaring ang kanyang templo sa Jerusalem o ang kanyang tahanan sa langit.
  5. 1:5 Israel at Juda: sa Hebreo, Jacob at Israel.
  6. 1:7 ibinayad … templo: Sa templong ito, nakikipagtalik ang mga lalaki sa mga babaeng bayaran bilang bahagi ng kanilang pagsamba sa mga dios-diosan. Ang bayad sa mga babae ay ginagamit sa mga gawain sa templo.
  7. 1:8 asong-gubat: sa Ingles, “jackal.”
  8. 1:9 kabisera na lungsod: sa literal, pintuan.
  9. 1:10 Bet Leafra: Ang lugar na ito at ang iba pang lugar na nabanggit sa talatang 11-15 ay maaaring sakop ng Juda.
  10. 1:14 magpaalam na kayo: sa literal, magbigay kayo ng regalo bilang pamamaalam.
  11. 1:14 bayan: sa literal, bahay.
  12. 1:15 Panginoon: sa Hebreo, ko.
  13. 1:15 Juda: sa Hebreo, Israel. Maaaring ang ibig sabihin nito ay ang bansa ng Juda.
  14. 1:16 mga anak: Maaari ring ang tinutukoy nito ay ang mga bayan ng Juda na nabanggit sa talatang 11-15.
  15. 1:16 agila: o, buwitre.
  16. 2:10 Masisira … mapapakinabangan: o, Mapapahamak kayong lahat.
  17. 2:12 Israel at Juda: sa Hebreo, Jacob at Israel.