Add parallel Print Page Options

Ang mga Ilawan(A)

24 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iutos mo sa mga Israelita na magdala ng dalisay na langis ng olibo upang patuloy na magningas ang ilawan sa labas ng tabing, sa loob ng Toldang Tipanan. Ang mga ilaw na iyon ay sisindihan ni Aaron tuwing hapon at pananatilihing may sindi hanggang umaga. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon. Pangangalagaan niya ang mga ilaw na ito na nasa patungang ginto upang manatiling maningas sa harapan ni Yahweh.

Ang Sagradong mga Tinapay

“Magluluto(B) kayo ng labindalawang tinapay; isang salop ng mainam na harina ang gagamitin sa bawat isa. Ang mga ito ay ihahanay nang tig-aanim sa ibabaw ng mesang ginto. Bawat hanay ay lalagyan ng dalisay na insenso at pagkatapos ay susunugin bilang handog kay Yahweh. Tuwing Araw ng Pamamahinga, ang tinapay na ito ay ihahandog kay Yahweh. Ito'y gagawin ng bayang Israel sa habang panahon. Pagkatapos(C) ihandog, ang mga tinapay na iyon ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak. Kakainin nila iyon sa isang banal na lugar sapagkat iyon ay inilaan kay Yahweh. Ito ay tuntuning dapat sundin habang panahon.”

Paglapastangan at Kaparusahan

10-11 Nang panahong iyon, may isang lalaking pumasok sa kampo ng Israel. Ang ama niya ay isang Egipcio at Israelita naman ang kanyang ina na ang pangala'y Selomit, isa sa mga anak ni Debri at mula sa lipi ni Dan. Ang anak ng mga ito ay napaaway sa isang tunay na Israelita. Sa kanilang pag-aaway, nagmura siya at nagsalita ng masama laban sa pangalan ni Yahweh, kaya dinala siya kay Moises. 12 Siya ay ipinakulong habang hinihintay ang pasya ni Yahweh.

13 At sinabi ni Yahweh kay Moises, 14 “Ilabas ninyo sa kampo ang nagmura. Ipatong sa ulo niya ang kamay ng lahat ng nakarinig sa kanya, at pagkatapos ay batuhin siya hanggang mamatay. 15 Sabihin mo sa bayang Israel na mananagot ang sinumang lumapastangan sa kanyang Diyos. 16 Ang lumapastangan sa pangalan ni Yahweh, maging katutubong Israelita o dayuhan, ay babatuhin ng taong-bayan hanggang sa mamatay.

17 “Ang(D) sinumang pumatay ng kapwa ay papatayin din. 18 Kung hayop naman ang pinatay niya, papalitan niya iyon; kapag buhay ang inutang buhay rin ang kabayaran.

19 “Ang makapinsala sa kapwa ay pipinsalain din, tulad ng kanyang ginawa. 20 Baling(E) buto sa baling buto, mata sa mata, ngipin sa ngipin. Kung ano ang ginawa niya, gayundin ang gagawin sa kanya. 21 Ang makapatay ng hayop ng kanyang kapwa ay kinakailangang magbabayad ng hayop din, ngunit ang pumatay ng kapwa tao ay dapat patayin din. 22 Iisa(F) ang batas na paiiralin sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”

23 Nang masabi na ito ni Moises, inilabas nila sa kampo ang lumapastangan at binato hanggang mamatay. Sinunod ng mga Israelita ang mga utos ni Yahweh na ibinigay niya kay Moises.

Ang Taon ng Pamamahinga(G)

25 Sinabi(H) pa ni Yahweh kay Moises nang sila'y nasa Bundok ng Sinai, “Sabihin mo sa mga Israelita na pagpasok nila sa lupaing ibinigay ko sa inyo, pati ang lupain ay pagpapahingahin tuwing ikapitong taon upang parangalan si Yahweh. Anim na taon ninyong tatamnan ang inyong bukirin at aalagaan ang mga ubasan. Ang ikapitong taon ay taon ng lubos na pamamahinga ng lupain, isang taóng nakatalaga para kay Yahweh. Huwag ninyong tatamnan sa taóng iyon ang inyong bukirin at huwag pipitasan ang mga punong ubas na hindi naalagaan. Ang lahat ng maaani roon ay para sa lahat: sa inyo, sa inyong mga alipin, sa mga bayarang manggagawa, sa mga dayuhan, sa inyong mga kawan at iba pang mga hayop.

Ang Taon ng Paglaya

“Bibilang kayo ng pitong tigpipitong taon, bale apatnapu't siyam na taon. Pagkalipas nito, sa ikasampung araw ng ikapitong buwan na siyang Araw ng Pagtubos sa Kasalanan, hihipan nang malakas ang trumpeta sa buong lupain. 10 Sa ganitong paraan, itatangi ninyo ang ikalimampung taon; ipahahayag ninyong malaya ang lahat sa buong lupain. Ito ay inyong Taon ng Paglaya; ang alipin ay babalik sa kanyang sariling tahanan at ang lupaing naipagbili ay isasauli sa dating may-ari. 11 Sa buong taóng iyon, huwag kayong magtatanim sa inyong bukirin. Huwag din ninyong aanihin ang bunga ng mga punong ubas na hindi naalagaan. 12 Sapagkat ito'y taon ng pagdiriwang at ito ay sagrado para sa inyo. Ang inyong kakainin ay ang mga halaman na kusang tumubo sa bukid.

13 “Sa taóng iyon, ang lahat ng ari-ariang naipagbili ay isasauli sa dating may-ari. 14 Kaya't kung magbebenta kayo o bibili sa inyong kapwa, huwag kayong mandaraya. 15 Magbabayad kayo ayon sa dami ng taon mula sa huling taon ng paglaya, at magbebenta naman ayon sa dami ng taon ng pamumunga bago dumating ang kasunod na Taon ng Paglaya. 16 Kung matagal pa, mataas ang halaga; kung iilang taon na lamang, mas mababa ang halaga sapagkat ang batayan ay ang dami ng maaani sa lupa. 17 Huwag kayong magdadayaan; sa halip ay matakot kayo sa akin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

18 “Kaya iingatan ninyo ang mga tuntunin at inyong tutuparin ang aking mga utos, upang kayo'y manatiling matatag sa lupaing pupuntahan ninyo. 19 Sa gayon, mag-aani kayo nang sagana; hindi kayo magugutom at magiging tiwasay ang pamumuhay ninyo sa lupaing iyon. 20 Huwag kayong mag-alala sa kakainin ninyo sa ikapitong taon kung hindi kayo magtatanim. 21 Pasasaganain ko ang inyong ani tuwing ikaanim na taon, at magiging sapat iyon para sa tatlong taon. 22 Kayo'y magtatanim na sa ikawalong taon ngunit ang dati pa rin ninyong inani ang kakainin ninyo hanggang sa anihan ng ikasiyam na taon.

Paglaya ng Ari-arian

23 “Hindi ninyo maipagbibili nang lubusan ang lupain sapagkat iyon ay akin; pinatitirhan ko lamang sa inyo iyon. 24 Kaya, maipagbili man ang alinmang bahagi ng inyong lupain, iyon ay maaaring tubusin ng dating may-ari.

25 “Kung sa inyo'y may maghirap at mapilitang magbenta ng kanyang ari-arian, iyon ay dapat tubusin agad ng pinakamalapit niyang kamag-anak. 26 Kung wala siyang kamag-anak na makakatubos niyon, siya na rin ang tutubos kapag umunlad uli ang kanyang kabuhayan. 27 Ibabalik niya sa bumili ang katumbas na halaga ng nalalabing taon bago dumating ang Taon ng Paglaya. Sa gayon, maibabalik sa kanya ang kanyang ari-arian. 28 Ngunit kung wala pa siyang sapat na pantubos, mananatili iyon sa bumili hanggang sa Taon ng Paglaya, at sa taóng iyon, ang ari-arian niya'y ibabalik sa kanya nang walang bayad.

29 “Kung may magbenta ng kanyang bahay na nasa loob ng lunsod na napapaderan, matutubos niya iyon sa loob ng isang taon. 30 Kung hindi niya matubos iyon sa loob ng isang taon, ang bahay ay magiging lubos nang pag-aari ng nakabili kahit sumapit pa ang Taon ng Paglaya. 31 Ang mga ipinagbiling bahay sa labas ng lunsod na napapaderan ay tulad ng lupang ipinagbili na maaaring matubos o kaya'y maisauli pagdating ng Taon ng Paglaya. 32 Ngunit ang mga bahay sa mga lunsod ng mga Levita, na kanilang ipinagbili ay maaari nilang tubusin kahit kailan. 33 Kung ayaw gamitin ng isang Levita ang karapatang ito, maibabalik iyon sa kanya pagdating ng Taon ng Paglaya kung ito'y nasa kanyang lunsod. Sapagkat ang mga gusaling tulad nito, ay lubos na pag-aari ng mga Levita, bilang kanilang bahagi sa bansang Israel. 34 Ngunit ang mga pastulan sa palibot ng kanilang mga lunsod ay hindi maaaring ipagbili, sapagkat iyo'y pag-aari nila magpakailanman.

Pagpapautang sa Mahihirap

35 “Kung(I) ang isang kababayan ninyo ay naghirap at hindi na niya kayang buhayin ang sarili, kupkupin ninyo siya tulad ng isang dayuhang nakikipamayan sa inyo. 36 Huwag ninyo siyang patutubuan kung siya'y mangutang sa inyo. Matakot kayo sa Diyos, at hayaan ninyo itong mabuhay na kasama ninyo. 37 Huwag(J) ninyong patutubuan ang pera o pagkaing inutang niya sa inyo. 38 Ako si Yahweh, ang inyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa Egipto upang ibigay sa inyo ang Canaan at upang maging Diyos ninyo.

Paglaya ng mga Alipin

39 “Kung(K) dahil sa labis na kahirapan ay mapilitan ang isang Israelita na ipagbili sa inyo ang kanyang sarili, huwag ninyo siyang ituturing na alipin. 40 Ituring ninyo siyang katulong o dayuhang upahan, at maglilingkod siya sa inyo hanggang sumapit ang Taon ng Paglaya. 41 Pagdating ng panahong iyon, palalayain ninyo siya pati ang kanyang mga anak upang bumalik sa kanyang pamilya at ari-arian. 42 Akong si Yahweh ang naglabas sa kanila sa Egipto; hindi sila dapat ipagbili upang maging alipin. 43 Huwag ninyo silang pagmamalupitan; matakot kayo sa Diyos. 44 Kung kailangan ninyo ng aliping lalaki o babae, doon kayo bumili sa mga bansa sa inyong paligid. 45 Maaari ninyong bilhin bilang alipin ang mga anak ng mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 46 Maaari ninyo silang ipamigay sa inyong mga anak at maaari rin ninyo silang gawing alipin, ngunit huwag ninyong aalipinin o pagmamalupitan ang kapwa ninyo Israelita.

47 “Kung dahil sa labis na kahirapan at mapilitan ang isang Israelita na ipagbili ang kanyang sarili sa isang dayuhang mayaman, 48 siya ay may karapatang lumaya. Maaari siyang tubusin ng kanyang kapatid, 49 amain, pinsan, kamag-anak o siya mismo kung kaya na niya. 50 Ang halaga ng pagkabili sa kanya ay kukuwentahin mula nang bilhin siya hanggang sa Taon ng Paglaya, at ang itutubos sa kanya ay katumbas ng sweldo ng isang manggagawa. 51 Kung matagal pa ang Taon ng Paglaya, malaki ang pagbabayaran ng tutubos. 52 Ngunit maliit lamang kung malapit na ang panahong iyon, sapagkat ang itutubos sa kanya ay batay sa dami ng taon na dapat pa niyang ipaglingkod. 53 Ituturing siyang bayarang manggagawa sa panahon ng kanyang paglilingkod ngunit hindi siya maaaring pagmalupitan. 54 Kung hindi siya matubos sa mga paraang nabanggit, siya at ang mga anak niya ay palalayain pagsapit ng Taon ng Paglaya, 55 sapagkat alipin ko ang mga Israelita, at ako ang nagpalaya sa kanila sa Egipto. Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo.

Mga Pagpapala sa Pagiging Masunurin(L)

26 “Huwag(M) kayong gagawa ng mga diyus-diyosan o magtatayo ng mga inukit na rebulto o sagradong haligi, o mga batong hinugisan upang sambahin sa inyong lupain. Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo. Igalang ninyo ang Araw ng Pamamahinga at ang aking santuwaryo. Ako si Yahweh.

“Kung susundin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ang aking mga utos, pauulanin ko sa tamang panahon at mamumunga nang sagana ang mga punongkahoy sa kaparangan. Kahit(N) tapos na ang panahon ng pitasan ng prutas at panahon ng muling pagtatanim ay gumigiik pa kayo. Sasagana kayo sa pagkain at mamumuhay nang panatag.

“Maghahari ang kapayapaan sa buong lupain at walang gagambala sa inyo. Palalayasin ko ang mababangis na hayop at wala nang dirigma sa inyo. Matatakot sa inyo ang inyong mga kaaway at malulupig ninyo sila sa labanan. Sapat na ang lima sa inyo upang talunin ang sandaang kaaway at ang sandaan para sa sampung libong kaaway. Malulupig ninyo ang inyong mga kalaban. Pagpapalain ko kayo; kayo'y uunlad at darami. Patuloy kong pagtitibayin ang ginawa kong kasunduan sa inyo. 10 Ang inyong ani ay sobra-sobra at tatagal sa mahabang panahon. Sa katunayan, sa dami ng inyong aanihin ay ilalabas ninyo ang mga luma upang maimbak lamang ang mga bagong ani. 11 Maninirahan ako sa kalagitnaan ninyo at hindi ko kayo pababayaan. 12 Ako'y(O) (P) inyong kasama saanman kayo magpunta; ako ang magiging Diyos ninyo at kayo naman ang magiging bayan ko. 13 Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo, ang siyang naglabas sa inyo sa Egipto. Pinalaya ko na kayo kaya't wala na kayong dapat ikahiya kaninuman.

Mga Parusa sa Pagsuway(Q)

14 “Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin at hindi tutuparin ang mga utos ko, 15 kung tatanggihan ninyo ang aking mga tuntunin at kautusan, kaya't ayaw ninyong sundin ang mga ito at sisirain ninyo ang ginawa kong kasunduan sa inyo, 16 padadalhan ko kayo ng mga sakuna. Makakaranas kayo ng matitinding sakit na magpapalabo ng inyong mata, at magpapahina ng inyong katawan. Hindi ninyo makakain ang pinagpagalan ninyo sapagkat ito'y kakainin ng inyong mga kaaway. 17 Hindi ko kayo gagabayan at pababayaan ko kayong malupig. Hahayaan ko kayong sakupin ng mga taong napopoot sa inyo, at kakaripas kayo ng takbo kahit walang humahabol sa inyo.

18 “Kung sa kabila nito'y hindi pa rin kayo makikinig, makapitong ibayo ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong mga kasalanan. 19 Paparusahan ko kayo dahil sa katigasan ng inyong ulo; hindi ko pauulanin ang langit at matitigang ang lupa. 20 Mawawalan ng kabuluhan ang inyong pagpapagal sapagkat hindi maaanihan ang inyong lupain, at hindi mamumunga ang inyong mga bungangkahoy.

21 “Kung patuloy kayong susuway at hindi makikinig sa akin, makapitong ibayo ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong kasalanan. 22 Pababayaan kong lapain ng mababangis na hayop ang inyong mga anak at mga alagang hayop. Kaunti lamang ang matitira sa inyo, at halos mawawalan na ng tao ang inyong mga lansangan.

23 “Kung sa kabila nito'y magmamatigas pa rin kayo at patuloy na susuway sa akin, 24 pitong ibayo pa ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong kasalanan. 25 Ipasasalakay ko kayo sa mga kaaway ninyo kaya't marami ang mapapatay sa inyo dahil sa inyong pagsira sa kasunduang ginawa ko sa inyo. Makapagtago man kayo sa mga kuta, padadalhan ko kayo roon ng salot, kaya babagsak din kayo sa kamay ng inyong kaaway. 26 Kukulangin kayo sa pagkain kaya't iisang kalan ang paglulutuan ng sampung babae. Tatakalin ang inyong pagkain kaya't hindi kayo mabubusog.

27 “At kung sa kabila nito'y di pa rin kayo magbabago at patuloy pa ring sumuway sa akin, 28 magsisiklab na ang aking galit sa inyo, at ako na mismo ang magpaparusa sa inyo ng makapitong ibayo dahil sa inyong mga kasalanan. 29 Sa tindi ng gutom ay kakainin ninyo pati ang inyong mga anak. 30 Wawasakin ko ang inyong mga altar sa burol at ang altar na sunugan ng insenso. Itatakwil ko kayo at itatambak ang inyong mga bangkay sa ibabaw ng inyong mga diyus-diyosan. 31 Wawasakin ko ang inyong mga lunsod, at iiwanan kong tiwangwang ang mga santuwaryo at hindi ko tatanggapin ang mga handog ninyo. 32 Sasalantain ko ang inyong mga lupain at magtataka ang mga kaaway ninyong sasakop niyon. 33 Uusigin ko kayo ng tabak at magkakawatak-watak kayo sa iba't ibang lupain. Maiiwang nakatiwangwang ang inyong lupain at iguguho ang inyong mga lunsod. 34 Sa gayon, mamamahinga nang mahabang panahon ang inyong lupain samantalang kayo'y bihag sa ibang bansa. 35 Makakapagpahinga ang inyong lupain, hindi tulad nang kayo'y naroon.

36 “Ang mga maiiwan doon ay paghaharian ng matinding takot kaya't may malaglag lamang na dahon ng kahoy ay magkakandarapa na sila sa pagtakbo na parang hinahabol ng tagâ kahit wala naman. 37 Magkakadaganan sila sa pagtakbo na parang hinahabol ng tagâ, gayong wala namang humahabol. Hindi ninyo maipagtatanggol ang inyong sarili sa mga kaaway. 38 Mamamatay kayo sa lupain ng inyong mga kaaway. 39 Ang malalabi naman ay mamamatay sa hirap dahil sa kasalanan ninyo at ng inyong mga ninuno.

40 “Subalit kung pagsisihan nila ang kanilang mga kasalanan at ang mga kasalanan ng kanilang ninuno, at tanggapin na naghimagsik sila laban sa akin, 41 at iyon ang dahilan kung bakit sila'y aking pinabayaan; kung sila'y magpakumbaba at pagsisihan ang kanilang mga kasalanan, 42 aalalahanin(R) ko ang aking kasunduan kay Jacob, kay Isaac, at kay Abraham. At aalalahanin kong muli ang aking pangako patungkol sa lupang pangako. 43 Subalit paaalisin ko muna sila roon. Sa gayon, makakapagpahinga nang lubusan ang lupain at madarama naman nila ang bagsik ng parusang ipapataw ko dahil sa pagsuway nila sa aking mga tuntunin at kautusan. 44 Gayunman, hindi ko sila lubos na pababayaan sa lupain ng kanilang mga kaaway, baka kung puksain ko'y mawalan ng kabuluhan ang kasunduang ginawa ko sa kanila. Ako si Yahweh na kanilang Diyos. 45 Aalalahanin ko sila alang-alang sa aking kasunduan sa kanilang mga ninunong inilabas ko mula sa Egipto. Nasaksihan ng mga bansa ang ginawa kong ito upang ako'y maging Diyos nila. Ako si Yahweh.”

46 Ito ang mga tuntunin at mga utos ni Yahweh na ibinigay sa mga Israelita sa Bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises.